Hindi naman talaga ito date.

Ilang beses iyong pinaalala ni Norma habang kumakain sila sa tapsihan. Hindi direkta. Hindi rin paulit-ulit sa paraang nakakainis. Pero sa bawat pagkakataong medyo tumatagal ang tingin ni Dado sa kanya, o kapag may tanong itong hindi na tungkol sa presyo ng piyesa at delivery schedule, bumabalik siya sa parehong linya.

Hindi ito date.

Hinayaan lang siya ni Dado.

“Masarap?” tanong niya nang mapansing halos ubos na ang bangsilog ni Norma.

“Pwede na.”

“Ubos na.”

“Sayang ang pagkain.”

“Hindi ko sinabing kaya mo inubos dahil masarap.”

“E di huwag kang maraming puna.”

Napangiti si Dado at ipinagpatuloy ang pagkain.

Hindi niya kailangang pilitin ang usapan. Iyon ang napansin niya kay Norma. Kapag pinabayaan lamang, kusa itong magsasalita—tungkol sa maling presyo sa quotation, sa supplier na laging late, sa customer na mahilig umutang pero marunong namang magbayad. Kapag tungkol sa negosyo, mabilis ang boses nito. Sigurado. Walang pag-aalinlangan.

Kapag tungkol sa sarili, saka ito nagiging maingat.

“Matagal na ang bigasan?” tanong niya.

“Labing-apat na taon na sa puwestong iyon. Pero bago iyon, sa harap lang ng bahay ako nagtitinda. Tingian. Isang kilo, kalahating kilo, minsan isang gatang.”

“Mag-isa?”

“May kasama akong anim na taong gulang na taga-abot ng supot.”

“Si Willard.”

Tumango si Norma. Hindi naitago ang lambot sa mukha nang banggitin ang anak. “Minsan mali ang naibibigay na panukli. Minsan kinakain ang kendi na paninda. Pero siya lang ang kasama ko noon.”

“Hindi madaling magsimula nang gano’n.”

“Wala namang madaling simula.”

Payak ang sagot. Walang paghahanap ng awa. Para lamang nagsabi ng pangkaraniwang katotohanan.

Hindi na nagtanong si Dado tungkol sa asawa nito. Hindi pa. Alam niyang may mga kuwento na hindi hinihingi. Hinihintay.

Sa halip, sinabi niya, “Noong nagsimula rin ako, iisa lang ang screwdriver ko na maayos.”

Napatingin si Norma sa kanya. “Paano ka nagre-repair?”

“Dinidiskartehan ko.”

“Delikado iyon.”

“Hindi naman ako nagpakuryente.”

“Pero halos?”

“Dalawang beses.”

“Dalawang beses?”

“Unang taon. Bata pa ako.”

“Bata ka pa rin ba ngayon?”

“Depende kung sino ang tatanungin.”

Napailing si Norma, pero ngumiti.

Iyon ang ikalawang beses na nakita ni Dado ang ganoong ngiti. Hindi iyong ngiting ibinibigay sa customer. Hindi rin iyong mabilis at magalang na ngiti kapag may nagpapasalamat. Mas maluwag. Mas totoo. Bahagyang kumukulubot ang gilid ng mga mata at lumalambot ang buong mukha.

Iba pala ang ganda ni Norma kapag tumatawa.

Hindi niya sinabi.

Baka tumayo at umalis.

Pagkatapos kumain, agad inilabas ni Norma ang sariling bayad. Hindi siya pinigilan ni Dado. Alam niyang mali ang ipilit ang isang bagay na malinaw na mahalaga rito.

“Hindi ka man lang makikipagtalo?” tanong ni Norma habang inaabot ang bayad sa kahera.

“Bakit?”

“Karaniwan, ang nagyayaya ang nagbabayad.”

“Akala ko hindi ito date.”

Sandaling natigilan si Norma.

“Hindi nga.”

“E di walang problema.”

May bahagyang pagsimangot ito na pilit itinatago. Umuna itong lumabas ng kainan.

Sa ilalim ng waiting shed, mas malakas na ang ulan. Binuksan ni Dado ang payong at itinaas iyon sa pagitan nila. Dahil makitid ang daan papunta sa van, kailangan nilang magkalapit. Sumayad ang balikat ni Norma sa braso niya.

Mabilis itong lumayo nang kaunti.

Muntik nang mabasa ang kalahati ng katawan nito.

“Inyo na ang payong,” sabi ni Dado. “Susunod ako.”

“Kasya tayo.”

“Kung hindi kayo umiiwas.”

“Hindi ako umiiwas.”

“E di lumapit kayo.”

Tiningnan siya ni Norma na tila naghahanap ng kapilyuhan sa mukha niya. Wala siyang ipinakita. Pagkatapos ng ilang segundo, lumapit ito nang sapat para pareho silang masilungan.

Tahimik silang naglakad.

Walang dapat ikailang. Dalawang taong umiiwas lamang mabasa sa ulan.

Pero nang muling dumikit ang braso nito sa kanya, nag-ingat si Dado na huwag gumalaw nang biglaan.

Sa van, mas mahinahon na ang usapan. Nagpatugtog siya ng lumang OPM station. Mahina lamang. Nang marinig ang isang kantang sikat noong kabataan nila, napatingin si Norma sa radyo.

“Mahilig ka rito?” tanong ni Dado.

“Pinapatugtog iyan ng asawa ko dati.”

Doon unang nabanggit ni Norma ang asawa nang hindi tungkol sa pagiging biyuda o sa pagpapalaki kay Willard.

“Mahilig siyang kumanta,” dagdag nito. “Kahit sintunado.”

“Baka hindi naman.”

“Masama talaga. Pero malakas ang loob.”

Napangiti si Norma sa alaala. Hindi masakit ang ngiti. May lungkot, pero may lambing din.

“Matagal na?” maingat na tanong ni Dado.

“Dalawampung taon.”

Hindi niya sinabi ang karaniwang sinasabi ng tao—na napakatagal na, na dapat nakapag-move on na, na mabuti at kinaya niya. Wala sa mga iyon ang sapat.

“Anim na taon pa lang si Willard noon,” patuloy ni Norma. “Minsan iniisip ko kung naaalala pa niya talaga ang tatay niya o iyong mga kuwentong paulit-ulit kong sinasabi ang naaalala niya.”

“Pareho sigurong totoo.”

“Siguro.”

Humina ang ulan habang papalapit sila sa Seoul Corner.

“Ang asawa mo?” tanong ni Norma.

“Siyam na taon nang wala.”

“Ano’ng nangyari?”

“Matagal siyang nagkasakit.”

Hindi na siya nagdetalye. Hindi dahil ayaw niyang magkuwento. Hindi lang iyon ang tamang lugar. Hindi sa gitna ng traffic, habang may bus na bumubusina sa likod at may tricycle na pilit sumisingit sa gilid.

Naunawaan naman ni Norma. Tumango lamang ito at tumingin sa bintana.

Pagdating nila sa tindahan, bumaba agad si Norma. Bago isara ang pinto, sumilip ito sa loob.

“Salamat sa paghatid.”

“Walang anuman.”

“At sa pagkain.”

“Kanya-kanya tayong bayad.”

“Sa pagsama, ibig kong sabihin.”

Hindi agad sumagot si Dado.

“Pwede ko ba kayong yayain ulit?”

Kumunot ang noo ni Norma. “Saan?”

“Hindi ko pa alam.”

“Bakit ka nagyayaya kung wala kang plano?”

“Para malaman ko muna kung papayag ka bago ako magplano.”

“Paano kung hindi?”

“E di hindi masasayang ang oras ko sa paghahanap ng lugar.”

Napailing ito. “Napakapraktikal.”

“Negosyante ang kausap ko.”

Napatingin si Norma sa loob ng tindahan. Abala si Liza sa pag-aayos ng display. Sa bigasan, may customer si Jun. Walang nakikinig sa kanila.

“Pag-iisipan ko,” sabi nito.

“Sige.”

“Hindi ibig sabihin noon oo.”

“Hindi rin ibig sabihin na hindi.”

Isinara ni Norma ang pinto.

Mula sa loob ng van, nakita ni Dado na dumiretso ito sa counter. Kinuha ang notebook. Kinausap si Liza. Bumalik agad sa nakasanayang galaw.

Pero bago siya umalis, minsan itong lumingon sa salamin ng storefront.

Hindi niya alam kung tinitingnan siya o ang van.

Mas pinili niyang huwag mag-assume.

Kinagabihan, habang nasa bahay at sinusubukang unawain ang instructions sa likod ng ramyeon packet na binili niya sa isa sa mga naunang pagdalaw kay Norma, tumunog ang cellphone niya.

Si Norma.

Isang mensahe lamang.

Sige. Pero huwag mong tawaging date.

Napatigil si Dado sa pagbubukas ng sachet.

Makalipas ang ilang sandali, nag-reply siya.

Hindi date. Ano’ng araw ka libre?

Matagal bago dumating ang sagot.

Linggo ng hapon. Pagkasara ng bigasan.

Napatingin siya sa kalendaryo sa dingding.

Tatlong araw pa.

Biglang napakahaba ng tatlong araw.