Ang Ahente at ang Tagapagmana – Chapter 1

Alas-diyes pa lang ng umaga, pero pakiramdam ni Sora Guillermo, pang-alas-sais na ng gabi ang pagod niya.

Nakatayo siya sa gitna ng maliit na kiosk ng Valderama Land sa loob ng mall, suot ang beige blazer na nabili niya sa ukay sa Guadalupe, black slacks na tatlong beses nang pina-alter, at sapatos na mukhang mamahalin basta huwag lang titingnan nang malapitan.

“Fresh pa ba ako?” tanong niya kay Kevin habang inaayos ang buhok sa reflection ng brochure stand.

Tiningnan siya ni Kevin mula ulo hanggang paa habang nakatikwas ang kamay at nakataas ang kilay.

“Fresh from struggle,” sagot nito na natatawa.

“Bastos naman. Ang tawag dito, corporate glow.”

“Corporate glow na may pawis sa bangs,” sabay halakhak nito.

Umirap si Sora, pero pinunasan din niya ang noo. Hindi siya pwedeng magmukhang pagod. Sa trabaho niya, kailangan mukha kang mapagkakatiwalaan kahit ang laman ng wallet mo ay resibo, dalawang candy, at isang lumang bente na ayaw mong gastusin dahil emergency fund mo na iyon.

Real estate sales agent siya. Sa madaling salita, taga-ngiti sa mga taong tumitingin ng model house, taga-explain ng monthly amortization, taga-habol ng requirements, at taga-tanggap ng “pag-iisipan namin” kahit alam mong hindi na sila babalik.

Pero sanay si Sora.

Sanay siya sa raket. Sanay siya sa diskarte. Weekends, nagla-live selling siya ng ukay tops. Minsan nag-e-event usher. Minsan taga-caption ng small business page ng kakilala niya. Kapag may nagtanong kung pagod ba siya, ang sagot niya palagi: “Hindi, moisturized lang ang eyebags ko.”

“Sora!” matinis na tawag ni Maredith mula sa likod.

Napahinga nang malalim si Sora. “Ayan na ang kontrabida. May entrance music dapat ’yan.”

“Sora,” bulong ni Kevin, “please. Nasa sales floor tayo.”

“Ano naman? Hindi ko sinabing kontrabida sa kanya. Sa hangin ko sinabi.”

Lumapit si Maredith Salazar, ang supervisor na laging mukhang may naaamoy na hindi niya gusto. Perfect ang make-up, plantsado ang buhok, at laging may hawak na clipboard na parang hawak niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan.

“Good morning po, Sir Kevin,” bati nito sa Operations Manager, biglang lambot ang boses kahit kanina lang ay halos lunukin niya si Sora nang buhay.

Tumango si Kevin, saka maingat na inayos ang manggas ng blazer niya. “Good morning, Maredith.”

Saka humarap si Maredith kay Sora.

“Bakit nasa harap ka na naman?” tanong nito.

“Ma’am, kiosk po ito. Kapag nasa likod ako, wall ang aalukan ko ng bahay.”

Napakagat-labi si Kevin para hindi matawa.

Naningkit ang mata ni Maredith. “Huwag kang sumagot nang ganyan sa akin.”

“Hindi po ako sumasagot. Nagpapaliwanag lang po with feelings.”

“Sora.”

“Sorry po.”

Pero sorry not sorry, hmp, sa isip-isip ni Sora.

May dahilan kung bakit hindi siya gusto ni Maredith. Una, hindi siya madaling takutin. Pangalawa, malakas siya kay Kevin, ang Operations Manager. Pangatlo, kahit maingay siya, nakakapagbenta siya. Hindi man siya top agent buwan-buwan, may clients siyang bumabalik dahil naaalala nila siya.

Sabi nga ng isang buyer dati, “Ikaw ’yong ahenteng parang nang-aaway pero helpful.”

Compliment na iyon para kay Sora.

Maya-maya, may lumapit na mag-asawang mukhang pagod sa kakahanap ng bahay. Agad nagbago ang mukha ni Sora. Mula sa mukhang palaban, naging warm. Mula maarte, naging maalaga.

“Good morning po! Looking for family home po ba or investment?” tanong niya.

“Family home sana,” sagot ng babae. “Pero hindi namin alam kung kaya ng budget.”

“Wala pong problema. Hindi naman po dapat ikahiya ang budget. Ang nakakahiya po ’yong bibili ka ng bahay tapos instant noodles na lang kayo forever. Dapat sakto, hindi pahirap.”

Tumawa ang mag-asawa.

Iyon ang style ni Sora. Hindi siya gumagamit ng sobrang lalim na terms. Hindi niya pinaparamdam sa tao na ignorante sila. Kapag may kausap siyang client, simple lang: ano ang kaya, ano ang kailangan, at ano ang hindi dapat pilitin.

Habang ine-explain niya ang payment terms, napansin niyang may lalaking nakatayo sa gilid ng kiosk.

Matangkad. Nakasuot ng dark polo, relo na halatang hindi galing sa online sale, at sapatos na kahit tahimik ay parang may sariling bank account. Hindi ito lumalapit. Nanonood lang.

At nakakainis, ang bango niya kahit malayo.

Tumingin si Sora kay Kevin at bumulong, “Client ba ’yan o perfume ambassador?”

Nanlaki bigla ang mata ni Kevin. “Sora, behave.”

“Bakit? Narinig ba niya?”

“Hindi, pero naramdaman ng ancestors ko.”

Bumalik si Sora sa mag-asawa at tinapos ang discussion. Pagkaalis ng mga ito dala ang brochure, saka niya hinarap ang lalaking kanina pa nakamasid.

“Good morning, sir,” bati niya, professional smile on. “Interested po ba kayo sa property, or interested lang po kayo sa libreng brochure?”

Ngumiti ang lalaki. Dahan-dahan. Parang sanay siyang may mga taong napapatigil kapag ginagawa niya iyon.

“Depende,” sabi niya. “Magaling ba ang agent?”

“Depende rin po,” sagot ni Sora. “May pambili ba ang client?”

Napaubo si Kevin sa likod.

Tumaas ang kilay ng lalaki, pero hindi siya nainis. Mas lalo pa yata itong naaliw.

“Diretso ka pala magsalita.”

“Mas tipid po sa oras. Mahal ang kuryente, mahal ang pamasahe, mahal mabuhay. Ayoko pong magsayang ng laway sa hindi sure.”

“Sora!” saway ni Maredith mula sa gilid.

Pero hindi na nakatingin si Sora kay Maredith. Nakatingin siya sa lalaki.

May kung ano sa mga mata nito. Parang natatawa. Parang sinusukat siya. Parang may gustong sabihin sa kanya, pero masyado itong naaaliw para pagsabihan siya.

Lumapit si Kevin sa kanya, halos hindi gumagalaw ang labi habang bumulong.

“Sora, tumigil ka na,” pabulong ni Kevin.

“Bakit?”

Namumutla na si Kevin.

“Siya si Rafael Valderama.”

Natigilan si Sora.

“Anong Valderama?” bulong niya.

Sumagot si Kevin na parang nagdarasal na.

“Anak ng may-ari.”

Dahan-dahang bumalik ang tingin ni Sora sa lalaking nakangiti pa rin sa harap niya.

At doon niya na-realize na ang unang tanong niya sa anak ng may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuhan niya ay kung may pambili ba ito.

Next