Ang Upuan sa Harap

Ang Upuan sa Harap

Part 2

Kinabukasan, alas-siyete pa lang ng umaga, tumawag si Mira.

“Ma, bakit ka umalis kagabi?”

Nasa maliit na kusina si Aling Cora, nagtitimpla ng kape. Wala pang laman ang tiyan niya, pero parang busog na busog na siya sa bigat ng dibdib.

“Pagod na ako, anak,” sagot niya.

“Hindi ka man lang nagsabi. Hinahanap ka sa family picture.”

Napatingin si Aling Cora sa lumang kalendaryo sa pader.

“Hinahanap ako?”

“Oo naman. May family picture pa sana.”

Napangiti siya.

Hindi masaya.
Hindi mapait.
Pagod lang.

“Late na yata akong tinawag.”

Sandaling natahimik si Mira sa kabilang linya.

“Ma, huwag ka na sanang magtampo. Ang dami kasing inaasikaso kagabi. Stress na stress ako. Alam mo naman, wedding iyon. Hindi lahat mapapansin.”

Hindi lahat mapapansin.

Tumango si Aling Cora kahit hindi siya nakikita ng anak niya.

“Oo, anak. Alam ko.”

“Saka Ma, yung table arrangement, coordinator na ang gumawa noon. Hindi ko na na-check.”

Hindi na sumagot agad si Aling Cora.

Dahil ang totoo, kaya niyang tanggapin kung nakalimutan lang siya.

Mas masakit ang alam niyang hindi iyon aksidente.

Hindi niya kailangang maging edukada para maramdaman kapag itinatabi siya. Hindi niya kailangang maging mayaman para maintindihan kapag ikinahihiya siya.

“Ma?”

“Nandito ako.”

“Okay ka lang?”

Tumingin si Aling Cora sa kamay niyang nangingitim na ang ilang kuko dahil sa detergent.

“Oo,” sabi niya. “Okay lang.”

Iyon ang pinakamalaking kasinungalingan na sinabi niya sa anak niya.

Lumipas ang isang linggo bago muling dumalaw si Mira.

Hindi na siya nakasuot ng wedding gown. Wala na ang make-up, wala na ang flowers, wala na ang ilaw ng hotel. Nakasuot lang siya ng simpleng dress, may hawak na mamahaling bag, at may ngiting pilit.

“Ma,” bati niya, sabay halik sa pisngi ni Aling Cora.

Humalik din si Aling Cora sa hangin, gaya ng ginagawa ng mga nanay kapag hindi alam kung yayakap ba o iiwas.

“Kumain ka na?”. Tanong ni aling Cora.

“Oo, Ma. Sandali lang ako.”

Alam na ni Aling Cora ang ibig sabihin noon.

Kapag “sandali lang,” may kailangan.

Pinaupo niya si Mira sa lumang bangkong kahoy sa sala. Yung bangkong ilang beses nang kinumpuni ng kapitbahay. Yung bangkong ginamit ni Mira noong bata pa ito habang sinusuotan niya ng medyas bago pumasok sa school.

“Ma,” simula ni Mira, “may sasabihin sana ako.”

Tahimik lang si Aling Cora.

“Hindi pa kasi namin napupunan ni Cedrick yung reservation sa condo. Sabi ng parents niya, mas okay daw kung ngayon na kasi tataas na ang price next month.”

Tumango si Aling Cora.

“Magkano?”

Nag-alangan si Mira.

“Hindi naman lahat, Ma. Kahit tulong lang sana. Yung… yung pinangako mo dati na wedding gift.”

Kumapit nang mahigpit ang kamay ni Aling Cora sa tasa ng kape.

Hindi dahil nagulat siya.

Kundi dahil nakakatawa pala minsan ang buhay.

Noong kailangan siya sa litrato, nakalimutan siya.

Pero noong kailangan ang envelope, naalala siya.

“Yung envelope?” tanong ni Aling Cora.

“Oo, Ma. Sabi mo kasi dati may kaunting ipon ka para sa akin. Hindi naman ako namimilit. Pero kung pwede lang sana, para hindi rin ako mapahiya kina Cedrick.”

Hindi rin ako mapahiya.

Doon siya tinamaan.

Hindi “para makapagsimula kami.”
Hindi “para sa bahay namin.”
Hindi “kung kaya mo lang, Ma.”

Kundi para hindi siya mapahiya.

Dahan-dahang ibinaba ni Aling Cora ang tasa.

“Mira,” mahina niyang sabi, “bakit ako nasa Table 18?”

Natigilan si Mira.

“Ano ma?”

“Noong kasal mo. Bakit ako nasa Table 18?”

Kumurap si Mira. Umayos ng upo. Tumingin sa pintuan, sa sahig, sa bag niya—kahit saan, huwag lang sa nanay niya.

“Ma, sinabi ko na. Coordinator ang—”

“Anak.”

Isang salita lang iyon.

Pero sapat para tumigil si Mira.

Kilala niya ang boses na iyon.

Iyon ang boses ni Aling Cora kapag pagod na pagod na pero kailangan pa ring magluto. Iyon ang boses kapag may sakit pero papasok pa rin sa trabaho. Iyon ang boses kapag walang-wala na, pero may anak na kailangang pakainin.

“Bakit ako nasa Table 18?” ulit ni Aling Cora.

Namula ang mata ni Mira.

“Ma, ayoko lang kasing maging awkward.”

“Awkward?”

“Hindi mo naiintindihan. Iba kasi sila, Ma. Ang pamilya ni Cedrick, kilala. Maayos. May standards. Ayoko lang na may masabi sila.”

Tahimik ang bahay.

Sa labas, may dumaan na naglalako ng taho. May tumahol na aso. May batang tumawa sa kalsada.

Pero sa loob ng maliit na sala, parang may nabasag na hindi maririnig ng kahit sino.

“May masabi tungkol saan?” tanong ni Aling Cora.

Hindi sumagot si Mira.

Kaya si Aling Cora na ang nagtuloy.

“Tungkol sa bestida ko?”

“Ma…”

“Tungkol sa kamay ko?”

Hindi gumalaw si Mira.

“Tungkol sa trabaho ko?”

Pumatak ang luha ni Mira.

“Ma, hindi ko naman ibig sabihin na—”

“Na ikinahihiya mo ako?”

Napahikbi si Mira.

“Hindi sa ganoon.”

Pero sa ilang taon na pagiging nanay ni Aling Cora, alam niya na kapag ang sagot ay “hindi sa ganoon,” kadalasan, ganoon nga.

Tumayo si Aling Cora at pumasok sa kwarto.

Pagbalik niya, hawak niya ang puting envelope.

Agad na napatingin si Mira rito.

Ilang segundo silang nagkatinginan.

Inilapag ni Aling Cora ang envelope sa mesa.

“Nandito lahat,” sabi niya. “Ipon ko. Ilang taon.”

Hindi gumalaw si Mira.

“Para sa iyo sana.”

Nanginginig ang labi ni Mira.

“Ma…”

“Pero hindi ko na ibibigay.”

Parang may humampas na katahimikan sa mukha ni Mira.

“Ano?”

“Hindi ko na ibibigay.”

“Ma, galit ka lang. Huwag naman ganito.”

“Hindi ako galit, Mira.”

At totoo iyon.

Noong una, akala ni Aling Cora galit ang nararamdaman niya. Pero habang nakatingin siya sa anak niya, naintindihan niyang hindi pala galit iyon.

Pagod.

Pagod na pagod na pagmamahal.

“Mahal kita,” sabi ni Aling Cora. “Hindi iyon nabawasan. Pero hindi na ako papayag na maging nanay lang kapag kailangan ng pera, tapos bisita kapag kailangan ng litrato.”

Napayuko si Mira.

“Ma, sorry…”

“Alam ko.”

“Hindi ko naisip na ganoon kasakit sa iyo.”

“Alam ko rin.”

“Bawi ako, Ma.”

Napatingin si Aling Cora sa kanya.

“Hindi lahat ng nabasag, anak, nadadaan sa bawi.”

Napahawak si Mira sa bag niya.

“Ma, kailangan talaga namin. Ayoko mapahiya.”

Doon tuluyang nanahimik si Aling Cora.

Kasi kahit umiiyak na si Mira, ramdam ni Aling Cora na hindi pa iyon iyak para sa sakit na naibigay niya.

Iyak iyon para sa sariling hiya.

Para sa perang hindi niya nakuha.

Para sa mukhang hindi niya mailalabas kina Cedrick.

Lumapit si Aling Cora sa mesa at kinuha ulit ang envelope.

“Gagamitin ko ito,” sabi niya.

“Saan?”

“Sa sarili ko.”

Tumingala si Mira, parang hindi niya narinig nang tama.

“Sa sarili mo?”

“Oo.”

“Ma, para saan?”

“Matagal ko nang gustong bumili ng sariling washing machine. Hindi yung secondhand na laging nasisira. Gusto kong maglagay ng maliit na laundry service sa harap. Ayoko nang mamalantsa sa bahay ng iba habang pinipilit kong magmukhang hindi masakit ang likod ko.”

“Ma…”

“Dalawampu’t pitong taon kitang inuna, Mira. Hindi ko pinagsisisihan iyon. Pero siguro naman, kahit isang beses, pwede na akong umupo sa harap ng sarili kong buhay.”

Hindi na nakasagot si Mira.

Sa unang pagkakataon, wala siyang madahilan.

Tumayo siya makalipas ang ilang minuto. Hindi na niya hinawakan ang envelope. Hindi na rin siya humingi ulit.

Bago lumabas, tumingin siya sa nanay niya.

“Hindi mo na ba ako mahal?”

Napapikit si Aling Cora.

Ito ang tanong na kinatatakutan ng maraming nanay.

Dahil minsan, kapag natuto kang tumanggi, akala ng anak mo tumigil ka nang magmahal.

“Anak,” sabi niya, “mahal kita. Kaya nga tinuturuan kitang hindi lahat ng nagmamahal sa iyo, pwede mong itago.”

Umiyak si Mira.

Pero umalis siya.

Hindi siya pinigilan ni Aling Cora.

Hindi dahil gusto niyang mawala ang anak niya.

Kundi dahil minsan, kailangang maramdaman ng taong mahal mo ang layo na ikaw lang ang palaging tumatawid.

Pagdating ni Mira sa condo unit na inuupahan nila ni Cedrick, nadatnan niya ang asawa sa hapag, kaharap ang laptop at ilang papel mula sa developer.

“Nakuha mo?” tanong ni Cedrick.

Hindi agad nakasagot si Mira.

Doon pa lang, alam na niya kung gaano kabigat ang katahimikan kapag wala kang dalang perang inaasahan ng iba.

“Hindi,” mahina niyang sabi.

Napatingin si Cedrick sa kanya.

“Hindi? Akala ko may ipon ang mama mo para sa’yo?”

“Meron.”

“Then?”

Pinisil ni Mira ang strap ng bag niya.

“Hindi niya ibinigay.”

Sandaling nanahimik si Cedrick.

Hindi siya sumigaw. Hindi siya nanakit. Pero may paraan ang katahimikan para iparamdam sa isang tao na bumaba ang tingin sa kanya.

Tumayo ito at kinuha ang phone.

“I’ll call Mom,” sabi niya.

“Cedrick, huwag muna.”

Pero tumawag na ito.

Narinig ni Mira ang boses ng biyenan niya sa speaker, mahinahon pero matalim.

“So hindi matutuloy ang reservation?”

“Mom, we’ll find a way,” sagot ni Cedrick.

“Cedrick, this is why we asked kung ready na talaga kayo. Hindi pwedeng puro plano. Dapat may actual contribution din.”

Actual contribution.

Tumayo lang si Mira sa tabi ng mesa, parang bisita sa sarili niyang bahay.

Then narinig niya ang sumunod na sinabi ng biyenan niya.

“I thought her mother prepared something? Didn’t she say she would help?”

Hindi makapagsalita si Mira.

Dahil sa unang pagkakataon, siya naman ang nasa gitna ng hiya na pilit niyang iniwasan.

Pero hindi pala mas magaan kapag ikaw ang nahihiya.

Mas mabigat pala kapag alam mong may tinapakan kang tao para lang hindi ka husgahan, tapos huhusgahan ka pa rin.

That night, hindi natuloy ang reservation.

Hindi nagalit nang malakas si Cedrick. Hindi rin siya iniwan. Pero ramdam ni Mira ang pagbabago.

Mas madalas na itong tahimik.
Mas madalas na itong tumatawag sa parents niya bago magdesisyon.
Mas madalas na niyang naririnig ang salitang “practical,” “ready,” at “family background” sa mga usapan na dati ay hindi niya pinapansin.

At isang gabi, habang naghuhugas siya ng baso, narinig niya si Cedrick sa sala kausap ang ina nito.

“I know, Mom. I should have checked everything first.”

Everything.

Parang kasama siya sa bagay na dapat sinuri muna bago pinasok.

Doon unang naintindihan ni Mira ang ginawa niya sa nanay niya.

Itinago niya si Aling Cora dahil takot siyang maliitin.

Pero sa huli,maliit parin siya.

At ang taong kaya sana siyang saluhin nang buong-buo, siya pa ang itinulak niya sa dulong mesa.

Lumipas ang tatlong buwan.

Sa harap ng maliit na bahay ni Aling Cora, may bagong karatula.

Cora’s Laundry Service

Hindi sosyal. Hindi malaki. Hindi pang-magazine.

Pero kanya.

May dalawang washing machine. May plantsahan sa gilid. May maliit na upuan sa harap kung saan siya umiinom ng kape tuwing umaga habang naghihintay ng unang customer.

Sa unang linggo, kapitbahay lang ang nagpapalaba.
Sa ikalawa, may mga estudyanteng nagdadala ng uniform.
Sa ikatlo, may isang dormitory na nakipag-usap para weekly service.

Hindi biglang yumaman si Aling Cora.

Pero sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, hindi na siya naghihintay kung sino ang mangangailangan sa kanya.

Siya na ang may ginagawa para sa sarili niya.

Isang hapon, habang nagsasampay siya ng bagong plantsang polo, huminto ang isang kotse sa tapat ng bahay.

Bumaba si Mira.

Simple ang damit. Walang mamahaling bag. Walang make-up na pang-event. Hawak lang niya ang isang maliit na supot ng pandesal.

Matagal silang nagkatinginan.

“Ma,” sabi ni Mira.

Tinupi ni Aling Cora ang ilang damit at inilapag ang mga iyon sa mesa.

“Kumain ka na?”

Umiling si Mira.

Pumasok si Aling Cora sa bahay at kumuha ng dalawang tasa ng kape.

Pagbalik niya, nakatayo pa rin si Mira sa labas ng gate, parang hindi sigurado kung pwede siyang pumasok.

“Pumasok ka,” sabi ni Aling Cora.

Dahan-dahang pumasok si Mira.

Naupo siya sa maliit na upuan sa gilid.

Pero kinuha ni Aling Cora ang monoblock chair na nasa harap mismo ng tindahan at inilagay sa tapat niya.

“Dito ka umupo.”

Napatingin si Mira sa kanya.

“Sa harap?” mahina nitong tanong.

“Oo,” sagot ni Aling Cora. “Dito, walang tinatago.”

Nabasag ang mukha ni Mira.

Umiyak siya nang tahimik.

“Sorry, Ma.”

Hindi agad sumagot si Aling Cora.

Hindi dahil ayaw niyang patawarin ang anak niya.

Kundi dahil natutunan niyang hindi pala kailangang madaliin ang pagpapatawad para lang maging komportable ang nakasakit.

Umupo siya sa katapat ni Mira.

“Alam mo, anak,” sabi niya, “noong kasal mo, hindi yung Table 18 ang pinakamasakit.”

Humikbi si Mira.

“Ang pinakamasakit, yung nakita mo ako roon, pero hindi mo ako nilapitan.”

Napayuko si Mira.

“Natakot ako.”

“Saan?”

“Na husgahan nila ako.”

“Pero ako ang hinayaan mong masaktan.”

Tumango si Mira habang umiiyak.

“Oo.”

Tahimik silang dalawa.

Sa unang pagkakataon, hindi nagpalusot si Mira.

At sa unang pagkakataon, hindi sinagip ni Aling Cora ang anak niya mula sa bigat ng sarili nitong kasalanan.

Pinayagan niya itong maramdaman.

Hindi para parusahan.

Kundi para matuto.

Maya-maya, inabot ni Mira ang supot ng pandesal.

“Favorite mo,” sabi niya.

Tinanggap iyon ni Aling Cora.

Hindi pa iyon kapatawaran.

Pero simula iyon.

Minsan, akala natin ang paghihiganti ay ang sirain ang buhay ng taong nanakit sa atin.

Pero may mga sugat na hindi kailangan ng ingay para gumaling.

May mga panalo na hindi nakukuha sa sigaw, parinig, o eskandalo.

Minsan, ang pinakamalinis na paghihiganti ay ang tahimik na pagbawi ng upuang matagal mong ipinagkait sa sarili mo.

At sa harap ng maliit niyang laundry shop, hawak ang tasa ng kape at nakatingin sa anak niyang sa wakas ay natutong umupo sa harap niya, naisip ni Aling Cora:

Hindi na siya “pwede na.”

Hindi na siya pang-Table 18.

At hindi na niya kailangang itago ang sarili para lang mahalin.

Lesson:

Hindi lahat ng pagmamahal, dapat manatiling sakripisyo.

Minsan, ang taong palagi mong inuuna ang siya pang unang makakalimot kung saan siya nagsimula.

Kaya matuto kang magmahal nang may respeto sa sarili.

Dahil ang tunay na pamilya, hindi ka itinatago kapag nakakahiya ka sa paningin ng iba.

At ang tunay na pagmamahal, hindi ka lang naaalala kapag may kailangan sa iyo.

Pages: 1 2