Alas-sais pa lang ng umaga, gising na si Sora.
Hindi dahil excited siya.
Hindi rin dahil responsible adult siya.
Gising siya dahil tatlong beses na siyang ginising ni Nanay Meding, dalawang beses siyang sinigawan ni Lola Ason mula sa kusina, at isang beses siyang tinawag ni Lolo Isme ng pangalan ng kapitbahay nilang si Norma.
“Sora!” sigaw ni Nanay Meding mula sa labas ng kwarto. “Kung malelate ka sa anak ng may-ari, mag-resign ka na lang bago ka pa tanggalin!”
“Ma, ang aga pa!”
“Ang traffic hindi naaawa sa maarte!”
Bumangon si Sora na parang kaluluwa munang humiwalay bago bumalik sa katawan. Pagtingin niya sa salamin, halos mapasigaw siya.
“Grabe. Mukha akong may utang na hindi makabayad.”
“Normal mo na ’yan,” sabi ni Lola Ason na biglang sumilip sa pinto, may hawak na tasa ng kape. “Pero maganda ka pa rin. Mana sa akin.”
“Lola, hindi po kayo kumakatok?”
“Bahay ko ’to.”
“Bahay ni Mama ’to.”
“Nanay ako ng mama mo. Sa akin pa rin ’to.”
Wala nang sinagot si Sora. Natalo na siya bago pa magsimula. Tinawanan lang siya ng lola niya.
Sa kama niya nakalatag ang black slacks, cream blouse, at blazer niyang mukhang sosyal basta hindi hahawakan ang tahi sa loob. Pero ang tunay na kalaban niya ay nasa sahig.
Sapatos.
May sinabi si Rafael kahapon.
Comfortable shoes.
Pero ang comfortable shoes ni Sora ay hindi bagay sa outfit. At ang bagay sa outfit ay hindi comfortable.
Pinagmasdan niya ang nude heels na nabili niya sa sale.
“Tiis ganda,” himutok niya.
Mula sa kusina, sumigaw si Lolo Isme. “Sino ang buntis?!”
“Tiis ganda po, Lo!”
“Ay, akala ko may iskandalo na naman!”
Pagdating niya sa mall branch, nandoon na si Kevin. Naka-navy blazer ito, maayos ang buhok, at may hawak na tablet. Pagkakita kay Sora, agad siyang napahawak sa dibdib.
“Anak.”
“Ano po yun sir?”
Tumingin siya sa sapatos ni Sora.
“Hindi ba sinabing comfortable shoes?”
“Comfortable naman ito tingnan.”
“Hindi mata ang lalakad today, paa.”
Umirap si Sora. “Sir Kevin, please. Supportive ka dapat.”
“Supportive ako. Kaya sinasabi ko ngayon pa lang, magdala ka ng dignity kapag napilay ka.”
Dumating si Maredith na perfect ang ayos, pencil skirt, white blouse, at flats. Pagkakita kay Kevin, agad itong ngumiti.
“Good morning po, Sir Kevin.”
“Good morning, Maredith,” sagot ni Kevin.
Pagkatapos ay tumingin si Maredith kay Sora. Bumaba ang tingin nito sa sapatos niya, saka ngumiti nang manipis.
“Good luck sa site visit. Sana hindi lang outfit ang prepared.”
“Salamat, Ma’am. Sana rin po hindi lang clipboard ang talent.”
Nanlaki ang mata ni Kevin. “Sora.”
“Joke lang po. Morning humor.”
Tumunog ang phone ni Kevin. Binasa niya ang message, saka tumingin sa kanila.
“Nasa labas na ang company shuttle.”
Natigilan si Sora. “Kasama po si Sir Rafael?”
“Hindi,” sagot ni Kevin. “Executive siya. Mauuna o susunod sila doon. Hindi sila nakikipagsiksikan sa atin sa shuttle, anak.”
“Ah,” sabi ni Sora, bahagyang nakahinga. “Good. Less chance na may masabi akong ikatatanggal ko.”
“Wag kang kampante,” sabi ni Kevin. “Kaya mo pa rin ’yan kahit wala siya.”
Sa labas ng mall, naghihintay ang company van.
Sumakay sina Kevin, Maredith, at Sora.
Sa biyahe, tahimik si Sora noong una. Hindi dahil kinakabahan siya. Okay, kinakabahan siya. Pero mas nangingibabaw ang sakit ng sapatos niya kahit nakaupo pa lang siya.
Pagdating nila sa site, hindi lang pala branch nila ang nandoon.
May OMs mula sa ibang mall branches. May TLs. May selected agents. May marketing team. May ilang staff na rin mula sa ibang kiosk at branch. May mga nakapolo shirt, may naka-blazer, may hawak na folder, may bitbit na tumbler na parang lifeline. May tarpaulin sa registration area na may nakasulat na:
Valderama Land Premium Site Orientation and Sales Alignment
“Alignment,” bulong ni Sora. “Ibig sabihin ba niyan, ia-align din nila ang sahod sa presyo ng bilihin?”
“Sora,” mahinang saway ni Kevin.
“Thoughts ko lang po.”
Pumasok sila sa isang temporary function hall malapit sa model units. Malamig ang aircon, may projector, may coffee station, at may mga upuang nakaharap sa stage.
Nasa unahan si Rafael.
Nakatayo siya sa gilid ng stage, kausap ang ilang corporate staff, hawak ang tablet, at paminsan-minsang tumitingin sa dumadating na agents.
Pagpasok ni Sora, saglit silang nagkatitigan.
Tumango si Rafael.
Mabilis na umiwas ng tingin si Sora.
“Uy,” bulong ni Kevin, “may eye contact.”
“Sir, professional eye contact po iyon.”
“Sure. Professional na may background music.”
Bago pa makasagot si Sora, nagsimula na ang orientation.
May nag-demo ng project scale model. May nag-explain ng amenities, target market, payment terms, launch promos, at selling points. Sinulat ni Sora ang kailangan niyang isulat, pero mas marami siyang tanong kaysa notes.
Pagdating sa open forum, tumayo ang isang marketing manager.
“We want feedback from frontliners,” sabi nito. “Ano ang madalas na tanong or hesitation ng buyers sa mall kiosks?”
Tahimik ang karamihan.
May isang agent mula sa ibang branch na sumagot tungkol sa location. May isa tungkol sa monthly amortization. May isa tungkol sa parking.
Nakahinga si Sora. Safe answers.
Pero napansin niya si Rafael sa gilid. Nakatingin ito sa mga agents, tahimik.
“Any other feedback?” tanong ng marketing manager.
Hindi dapat magsalita si Sora.
Dapat tahimik lang siya. Dapat notes lang. Dapat smile. Dapat wag bida-bida.
Pero may lumabas sa bibig niya.
“Ma’am, minsan po kasi hindi amenities ang unang problema.”
Napatingin ang ilang tao sa kanya.
Napatigil si Kevin.
Nanigas si Maredith.
Tinuloy ni Sora, kahit gusto na niyang bawiin ang sarili niya.
“Sa kiosk po, hindi kami unang tinatanong kung ilan ang swimming pool. Ang unang tanong po madalas, ‘Kaya ba namin ito?’ Tapos kapag nakita nila ang brochure, ang ganda, pero hindi nila agad makita kung saan sila papasok. Magkano ang reservation. Ano ang lowest sample computation. Ano ang realistic na income range. Kung puro premium words po agad, natatakot ang normal buyer lumapit.”
Tahimik.
“Hindi ko po sinasabing mali ang branding,” mabilis niyang dagdag. “Maganda po siya. Sosyal. Pero sa mall po, mas lumalapit ang tao kapag nararamdaman nilang hindi sila huhusgahan kung budget muna ang tanong nila.”
Walang nagsalita.
Sa gilid, napapikit si Kevin.
Si Maredith naman ay nakatingin kay Sora na parang gusto na siyang ipasok sa brochure rack.
Pagkatapos, may tumikhim mula sa likod ng room.
Doon lang napansin ni Sora na may dumating.
Isang lalaking naka-gray suit. Tahimik ang mukha. Mabigat ang tindig.
Tumayo nang mas tuwid si Rafael.
“Dad,” sabi niya.
Nanlamig ang batok ni Sora.
Don Augusto Valderama.
Ama ni Rafael.
May-ari ng kompanya.
Lumapit ito sa aisle, hindi nakatingin sa stage.
Kay Sora siya nakatingin.
“What’s your name?” tanong nito.
Napakapit si Sora sa ballpen niya.
Sa tabi niya, halos hindi humihinga si Kevin.
“Sora Guillermo po, sir.”
Saglit siyang pinagmasdan ni Don Augusto.
Pagkatapos ay tumingin ito sa marketing manager.
“Give her the microphone.”