Part 2

Hindi ko alam kung sino ang mas dapat kong katakutan.

Ang bagay na nasa bubong namin kanina.

O ang sinabi ni Elias.

Hindi lang isa ang aswang dito.

Pinapasok ko siya sa bahay nang tuluyang tumahimik ang paligid.

Basang-basa siya sa ulan. May gasgas ang pisngi niya, at may maitim na mantsa ng dugo sa manggas ng damit niya.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ko.

Hindi siya agad sumagot.

Tiningnan niya muna si Rina, na nakaupo sa tabi ng altar habang nanginginig at mahigpit na hawak ang tiyan niya.

“Kailangan nating umalis dito bago sumapit ang hatinggabi bukas.”

“Bakit bukas?”

“Dahil kabilugan ng buwan.”

Natawa ako nang mahina, hindi dahil natutuwa ako, kundi dahil hindi ko na alam kung paano tatanggapin ang lahat.

“Aswang? Kabilugan ng buwan? Elias, hindi ito kwento-kwento lang.”

“Hindi nga,” malamig niyang sagot. “Kaya makinig ka.”

Umupo siya sa lumang silya ni Lola.

Ilang segundo siyang tumitig sa sahig, parang iniisip kung paano niya sasabihin ang matagal nang kinatatakutan ng lahat.

“Noong bata tayo,” sabi niya, “may mga nawawalang manok. May mga baboy na natatagpuang halos wala nang dugo. Akala ng mga tao, hayop lang. Pero hindi.”

Napahawak ako sa rosaryo ni Lola.

“Bakit walang nagsumbong?”

“Kanino?” tanong niya. “Sa kapitan na pinsan ni Aling Sela? Sa pulis na lagi niyang ginagamot kapag may sakit ang anak? Sa mga taong takot magsalita dahil may pamilya silang gustong protektahan?”

Nanlamig ang katawan ko.

“Si Aling Sela?”

Hindi siya sumagot agad.

Pero sapat na ang tingin niya.

Si Rina ay napaiyak.

“Siya ang nagbigay sa akin ng lana kanina.”

Napatingin si Elias sa akin.

“Nasaan?”

“Ibinaon ko sa lupa.”

Tumayo siya agad.

“Saan mo ibinaon?”

“Sa ilalim ng punong saging.”

Napamura siya nang mahina.

“Bakit?”

“Hindi proteksyon iyon, Maya. Marka iyon.”

Parang huminto ang puso ko.

“Marka?”

“Kapag ipinahid ni Rina iyon sa tiyan niya, mas madali siyang mahahanap. Pero kahit hindi niya ginamit, kapag nasa lupa ng bahay n’yo, alam pa rin nilang nandito siya.”

Napatingin ako kay Rina.

Sobrang putla na niya.

“Anong kailangan nila sa baby ko?” tanong niya.

Tahimik si Elias.

Hindi niya kayang sabihin.

Kaya ako na ang nakaintindi.

At mas lalo akong natakot.

Kinabukasan, habang hindi pa lumulubog ang araw, hinukay namin ang supot sa ilalim ng punong saging.

Pagkabukas ni Elias, nakita ko ang pulang sinulid na hindi ko napansin nang maayos noong una.

Hindi lang pala iyon sinulid.

May nakatali ritong maliit na piraso ng buhok.

Hibla ng buhok ni Rina.

“Ano ’yan?” tanong ko.

“Kinuha niya siguro noong burol,” sabi ni Elias. “O habang yakap-yakap niya si Rina.”

Naalala ko si Aling Sela noong libing.

Lumapit siya kay Rina.

Niyakap siya.

Hinimas ang buhok niya.

At sinabing, “Ang ganda ng magiging anak mo.”

Nanlambot ang tuhod ko.

“Matagal na niya kaming tinitingnan.”

“Oo,” sabi ni Elias. “Simula nang dumating kayo.”

Dinala kami ni Elias sa bahay ng kanyang ama, si Mang Berto, dating tanod at dating kaibigan ni Lola.

Hindi na halos makalakad si Mang Berto dahil sa rayuma, pero nang makita niya si Rina, pilit siyang tumayo mula sa kawayan niyang upuan.

“Anak ni Elena,” sabi niya habang nakatingin sa akin. “Akala ko hindi ka na babalik.”

“Kilala n’yo po si Lola?”

“Bata pa kami, kilala ko na si Elena. Hindi siya basta matandang babae na marunong magdasal. Matapang siya, Maya.”

May lungkot sa boses niya.

Doon ko nalaman ang katotohanan.

Hindi basta matandang babae si Lola.

Hindi lang siya marunong mag-alaga ng apo, magluto ng ginataang gulay, o magdasal sa altar.

Noong kabataan niya, isa siya sa iilang taong lumaban sa mga aswang sa baryo.

Hindi gamit ang agimat.

Hindi gamit ang kapangyarihan.

Kundi gamit ang tapang.

“Si Elena ang dahilan kung bakit maraming bata ang nabuhay dito,” sabi ni Mang Berto. “Pero dahil doon, siya ang kinagalitan nila.”

“Bakit hindi niya sinabi sa akin?”

“Dahil gusto niyang mabuhay ka nang normal.”

Napaiyak ako.

Parang paulit-ulit kong naririnig sa isip ko ang boses ni Lola.

Huwag sasagot sa tatlong katok.

Huwag bubuksan ang bintana kapag tinawag ka ng patay.

Hindi pala iyon panakot.

Babala iyon.

“Paano niya nalaman na darating sila?” tanong ko.

Huminga nang malalim si Mang Berto.

“Dahil nakita na niya ang mga palatandaan.”

Tahimik kaming lahat.

“Tatlong araw bago siya namatay, may nakita siyang pulang sinulid na nakatali sa gate ninyo. Kinabukasan, may amoy lana sa paligid ng bahay kahit walang nagsisindi ng kandila. Pagkatapos noon, gabi-gabi nang tumatahol ang mga aso habang nakatingin sa bubong.”

Nanlamig ang katawan ko.

Iyon ang mga bagay na nakasulat sa likod ng pinto ni Lola.

“Alam ni Elena na may minarkahan sila,” dagdag ni Mang Berto. “At nang malaman niyang pauwi kayo ni Rina, lalo siyang natakot.”

Napatingin ako kay Rina.

Tahimik siyang umiiyak habang hawak ang tiyan niya.

“Si Rina ang minarkahan nila?” tanong ko.

Tumango si Elias.

“Hindi pa siya nakakarating sa baryo, alam na nilang buntis siya. May taong nagbalita. May taong naghanda.”

“Si Aling Sela,” bulong ko.

Walang sumagot.

Pero sapat na ang katahimikan.

“Gabi bago mamatay si Lola,” pagpapatuloy ni Mang Berto, “nagbantay siya mag-isa sa bahay ninyo. Sinabihan ko siyang lumipat muna sa amin, pero ayaw niya. Sabi niya, kung aalis siya, mas madaling mapasok ang bahay.”

Nanginginig na ang kamay ko.

“Ano’ng nangyari?”

Pumikit si Mang Berto.

“Nang gabing iyon, narinig ng mga kapitbahay ang tatlong katok sa bintana niya. Narinig din nila ang boses ng patay niyang asawa na tumatawag sa kanya.”

Napahawak ako sa bibig ko.

“Binuksan niya?”

Umiling si Mang Berto.

“Hindi. Kilala ni Elena ang ganyang panlilinlang. Hindi siya nabiktima. Pero nang subukan nilang pasukin ang kwartong minarkahan para kay Rina, lumaban siya.”

“Pero wala pa ako noon,” sabi ni Rina.

“Alam ko,” sagot ni Mang Berto. “Pero ang kwartong dapat mong tuluyan ang una nilang minarkahan. Doon sila naghanda.”

Naalala ko ang lumang bahay.

Sa kwartong tinulugan ni Rina noong unang gabi namin doon.

Sa bintanang may marka ng kamay.

“Pagsikat ng araw,” mahina niyang sabi, “natagpuan namin si Elena sa harap ng altar. Hawak niya ang rosaryo niya. May dugo sa sahig. May mga itim na kuko sa tabi ng pinto. At sa labas ng bahay, may mahabang bakas sa lupa, parang may sugatang nilalang na gumapang palayo.”

Hindi ako makahinga.

“Sinabi ng doktor na inatake siya sa puso,” sabi ni Elias. “Iyon ang pinalabas nila.”

“Pero hindi iyon ang totoo,” dagdag ni Mang Berto. “Hindi sakit ang pumatay sa lola mo, Maya. Pinagod siya. Sinaktan siya. Nilabanan niya sila hanggang sa huling hininga niya.”

Tumulo ang luha ko.

Buong akala ko namatay si Lola na mahina at mag-isa.

Hindi pala.

Namatay siyang lumalaban.

At ang pinoprotektahan niya pala noon ay kami.

“Maya,” sabi ni Mang Berto, “matatapos lang ito kapag nawasak ninyo ang pinagmumulan ng lakas nila.”

“Anong pinagmumulan?”

“Hindi tao ang tunay na pinagmumulan ng lakas nila,” sabi niya. “May pugad sila. May lugar kung saan nila itinatago ang kalahati ng katawan nila kapag lumilipad sila sa gabi.”

Kinilabutan ako.

Ang punong balete.

Ang punong laging iniiwasan ng mga bata.

Ang punong malapit sa bahay ni Lola.

Doon pala.

Plano sana naming umalis bago magdilim.

Pero huli na.

Bago pa lumubog ang araw, dumating sa labas ng bahay ni Mang Berto si Aling Sela.

Hindi siya nag-iisa.

Kasama niya ang kapitan.

Dalawang tanod.

At tatlong babaeng kilala ko noong bata ako bilang mga tindera sa palengke.

Mga ordinaryong mukha.

Mga taong nakakasalubong mo sa umaga.

Mga taong bumabati ng “Kumain ka na?”

Mga taong hindi mo iisiping kayang gumapang sa bubong sa gabi.

“Mang Berto,” tawag ni Aling Sela mula sa labas. “Ibalik mo sa amin ang buntis.”

Hinawakan ko ang kamay ni Rina.

“Hindi siya bagay na ibabalik,” sigaw ko.

Tumawa si Aling Sela.

Malambot ang tawa niya.

Parang lola na natutuwa sa bata.

Pero ang mga mata niya ay walang awa.

“Maya, hindi mo alam ang kinakalaban mo.”

“Alam ko,” sagot ko, kahit nanginginig ang boses ko. “Mga duwag na kumakain ng mahihina.”

Biglang nagbago ang mukha niya.

Nawala ang ngiti.

“Ang lola mo rin, matapang magsalita noon.”

Lumapit si Elias sa pintuan, hawak ang bolo.

“Umalis kayo.”

Tumingin si Aling Sela sa kanya.

“Elias,” sabi niya, “anak ka ng duwag. Huwag mo na siyang gayahin.”

Kumuyom ang kamao ni Elias.

Pero hindi siya kumilos.

Mabagal na itinaas ni Aling Sela ang kamay niya at itinuro si Rina.

“Bago sumikat ang araw, lalabas din siya.”

Pagkatapos, isa-isa silang umalis.

Pero hindi iyon pag-atras.

Paghihintay iyon.

Nang tuluyang dumilim, naghanda kami.

Naglagay si Mang Berto ng asin sa bawat bintana.

Si Elias, hinasa ang bolo.

Ako, hinawakan ang rosaryo ni Lola.

Si Rina naman ay nakaupo sa gitna ng bahay, umiiyak habang paulit-ulit na sinasabing, “Ayoko mamatay ang anak ko.”

Lumuhod ako sa harap niya.

“Hindi siya mamamatay.”

“Ate, paano kung hindi natin kaya?”

Hinawakan ko ang mukha niya.

“Buong buhay ko, tinakasan ko ang lugar na ’to. Tinakasan ko ang kwento ni Lola. Tinakasan ko pati ang takot ko.”

Tiningnan ko ang tiyan niya.

“Pero hindi ko kayo tatakasan.”

Alas-dose, nagsimula ang unang tunog.

Tiktik.

Malakas.

Malapit.

Tiktik.

Tiktik.

Pagkatapos, unti-unting humina.

Napatingin ako kay Elias.

“Bakit parang lumalayo?”

Mas humigpit ang hawak niya sa bolo.

“Hindi lumalayo.”

Tumingin siya sa bubong.

“Papalapit.”

Biglang may kumalabog sa ibabaw ng bahay.

Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Napasigaw si Rina.

May kumamot sa yero.

May tumawa sa labas.

May boses ni Lola na tumawag.

“Maya…”

Napapikit ako.

“Hindi ka niya maloloko,” bulong ni Elias.

Pero hindi lang boses ni Lola ang narinig ko.

Boses din ni Nanay.

Boses ng mga patay.

Boses ng mga taong minahal namin.

“Maya,” sabi ng boses ni Lola, “buksan mo. Ako ito.”

Tumulo ang luha ko.

“Hindi ka si Lola.”

Biglang tumigil ang tunog.

Pagkatapos, may kumatok sa pinto.

Tok.

Tok.

Tok.

Napasigaw si Rina.

Hindi kami gumalaw.

Tok.

Tok.

Tok.

Mas malakas.

Pagkatapos, boses ni Aling Sela.

“Alam n’yo bang umiiyak si Elena bago siya namatay?”

Nanginig ang buong katawan ko.

“Sinabi niya, ‘Huwag n’yo silang gagalawin.’”

Tumawa siya.

“Pero wala na siya ngayon.”

Hindi ko na napigilan ang galit ko.

Humakbang ako papunta sa pinto.

“Maya, huwag,” sabi ni Elias.

Pero hindi ko binuksan.

Lumapit lang ako.

At mula sa loob, sinabi ko, “Patay na si Lola, pero mas buhay pa rin ang tapang niya kaysa sa inyong lahat.”

Ilang segundo ang katahimikan.

Pagkatapos, biglang yumanig ang buong bahay.

Sabay-sabay silang umatake.

May bumagsak sa bubong.

May kumamot sa pader.

May nagtangkang buksan ang bintana.

Nabasag ang isang salamin. Nagtalsikan ang asin sa may bintana, at napasigaw ang nasa labas.

“Ate!” sigaw ni Rina.

May kamay na sumingit sa sirang bahagi ng bintana.

Mahaba ang kuko.

Maputla ang balat.

Hinampas iyon ni Elias ng bolo.

Napaatras ang kamay.

“Ngayon!” sigaw ni Mang Berto. “Pumunta kayo sa balete!”

“Ano?”

“Habang nasa labas sila, walang bantay ang katawan nila!”

Doon ko naintindihan.

Kailangan naming sirain ang pinagmumulan ng lakas nila.

Kailangan naming pumunta sa pugad.

Kahit takot na takot ako, tumakbo kami palabas sa likod ng bahay.

Si Mang Berto ang naiwan para bantayan si Rina.

Ayaw kong iwan ang kapatid ko, pero hinawakan niya ang kamay ko at sinabi, “Tapusin mo, Ate.”

Tumakbo kami ni Elias sa dilim.

Basang-basa ang damo.

Malamig ang hangin.

Sa itaas, may mga aninong lumilipad sa pagitan ng mga puno.

Naririnig ko ang pakpak.

Hindi pakpak ng ibon.

Hindi pakpak ng paniki.

Mas mabigat.

Mas malapit.

Pagdating namin sa punong balete, halos hindi ako makahinga.

Malaki ito.

Matanda.

Ang mga ugat ay parang kamay na gumagapang sa lupa.

At sa ilalim ng puno, may hukay.

Mula roon, naamoy ko ang pinakamasangsang na amoy na naamoy ko sa buong buhay ko.

Bulok.

Dugo.

Lana.

At kamatayan.

“Huwag kang titingin nang matagal,” sabi ni Elias.

Pero huli na.

Nakita ko sila.

Mga katawan.

Kalahati ng katawan.

Walang itaas.

Nakatago sa loob ng hukay, naghihintay sa pagbabalik ng mga nilalang na lumilipad sa gabi.

Napaatras ako at halos masuka.

“Elias…”

Inabot niya sa akin ang maliit na bote.

May laman itong langis na hinaluan ng bawang, asin, at abo mula sa lumang altar ni Lola.

“Ito. Ibuhos mo sa hukay.”

“Paano ka?”

“Ako ang haharang.”

Bago ako makasagot, may malakas na sigaw mula sa itaas.

Si Aling Sela.

Nakalutang siya sa dilim.

Hindi na siya mukhang matandang hilot.

Ang buhok niya ay mahaba at gusot.

Ang mga mata niya ay dilaw.

Ang bibig niya ay nakabuka nang sobra, parang hindi pangtao.

“Maya!” sigaw niya. “Huwag mong gagalawin ’yan!”

Bumagsak siya sa lupa ilang metro mula sa amin.

Tumakbo ako papunta sa hukay habang sinalubong siya ni Elias.

Narinig ko ang tunog ng bolo.

Ang sigaw ni Aling Sela.

Ang pagaspas ng pakpak.

Nanginginig ang kamay ko habang binubuksan ang bote.

Pero bago ko maibuhos ang laman, may humawak sa paa ko.

Isa sa mga katawan sa hukay.

Buhay pa.

Gumagalaw.

Humihila.

Sumigaw ako.

“Maya!” sigaw ni Elias.

Sinipa ko ang kamay, pero sobrang lakas nito.

Hinihila ako pababa.

Sa sandaling iyon, narinig ko ang boses ni Lola.

Hindi mula sa labas.

Hindi mula sa puno.

Kundi sa loob ng alaala ko.

Kapag takot ka, anak, huwag mong hintaying mawala ang takot. Gumalaw ka kahit natatakot ka.

Umiyak ako.

“Lola…”

At sa huling lakas ko, ibinuhos ko ang buong laman ng bote sa hukay.

Isang nakakabinging sigaw ang pumunit sa gabi.

Nanginig ang lupa.

Umapoy ang loob ng hukay na parang binuhusan ng liwanag.

Isa-isang nagsigawan ang mga nilalang sa itaas.

Si Aling Sela ay napahawak sa dibdib niya.

“Hindi!” sigaw niya.

Pero huli na.

Ang katawan niyang nasa hukay ay nasusunog na.

Lumapit siya sa akin, galit na galit, pero bago niya ako maabot, hinila siya ni Elias pabalik.

“Maya, takbo!”

Tumakbo kami.

Sa likod namin, ang punong balete ay parang umuungol.

Ang mga dahon ay nagsipaglaglagan.

Ang hangin ay biglang uminit.

At ang mga sigaw ay unti-unting nawala.

Pagbalik namin sa bahay ni Mang Berto, nakahiga si Rina sa banig.

Umiiyak siya.

Pero buhay siya.

Buhay ang baby niya.

Si Mang Berto naman ay nakaupo sa tabi niya, duguan ang noo, pero nakangiti.

“Tapos na?” tanong niya.

Tumingin ako kay Elias.

Hindi siya agad sumagot.

Pagkatapos ay tumango.

“Dito, oo.”

Hindi ko tinanong kung ano ang ibig niyang sabihin.

Pagod na pagod na ako.

Gusto ko lang yakapin ang kapatid ko.

Ilang linggo ang lumipas.

Biglang tumahimik ang baryo.

Wala nang nawawalang manok.

Wala nang kakaibang iyak sa gabi.

Wala nang tatlong katok sa bintana.

Si Aling Sela at ang mga kasama niya ay hindi na nakita kahit kailan.

Sabi ng mga hindi nakakaalam, umalis daw sila.

Sabi ng iba, lumipat lang ng bayan.

Pero kaming nakakita ng balete noong gabing iyon, alam namin ang totoo.

Hindi na sila babalik.

Nang manganak si Rina, madaling-araw.

Malakas ang ulan.

Pero walang tumahol na aso.

Walang kumamot sa bubong.

Walang tumawag mula sa bintana.

Isang malusog na batang babae ang isinilang niya.

Pinangalanan niya itong Elena.

Para kay Lola.

Nang unang beses kong buhatin ang pamangkin ko, umiyak ako.

Hindi dahil sa takot.

Kundi dahil sa ginhawa.

Sa wakas, may batang isinilang sa bahay namin na hindi na kailangang matakot sa dilim.

Makalipas ang ilang buwan, hindi na ako bumalik sa Maynila.

Ipinaayos ko ang bahay ni Lola.

Tinanggal ko ang mga lumang sirang kahoy.

Nilinis ko ang altar.

Pero hindi ko inalis ang papel sa likod ng pinto.

Hinayaan ko iyon doon.

Hindi para takutin ang susunod na titira.

Kundi para maalala namin ang babaeng nagligtas sa amin kahit wala na siya.

Minsan, sa hapon, nauupo ako sa hagdan habang karga si Elena.

Dumarating si Elias dala ang pandesal mula sa bayan.

Hindi na kami bata.

Hindi na rin kami ang dating dalawang batang nag-iwanan noon.

Pero kapag magkatabi kaming nakaupo, tahimik lang, parang may bahagi ng lumang mundo na naibalik.

“Hindi ka na aalis?” tanong niya isang gabi.

Tumingin ako sa bahay.

Sa altar ni Lola.

Sa kwarto ni Rina.

Sa batang natutulog sa duyan.

Umiling ako.

“Hindi na.”

Ngumiti siya.

“Mabuti,” mahina niyang sabi.

Napangiti rin ako.

Sa unang pagkakataon, hindi na ako takot sa probinsyang tinakasan ko.

Dahil hindi pala lahat ng kwento ng matatanda ay ginawa para takutin tayo.

May mga kwentong ginawa para iligtas tayo.

At may mga bahay na kahit puno ng lumang takot, kaya pa ring maging tahanan ulit.

Isang gabi, ilang buwan matapos manganak si Rina, nagising ako sa mahinang tunog mula sa labas.

Tok.

Napaupo ako.

Tahimik ang bahay.

Tok.

Hinawakan ko ang rosaryo ni Lola.

Tok.

Tatlong katok.

Dahan-dahan akong lumapit sa bintana.

Pero bago ako makasilip, narinig ko ang mahinang iyak ni Elena mula sa duyan.

Paglingon ko, gising siya.

Nakatingin sa bintana.

Pero hindi siya umiiyak dahil takot.

Nakatingin siya roon na para bang may nakikita siyang kilala niya.

At mula sa labas, sa gitna ng malamig na hangin, may boses na bumulong.

Hindi iyon boses ng aswang.

Hindi iyon boses na nanggagaya.

Hindi iyon boses na nanlilinlang.

Boses iyon ni Lola.

Mahina.

Malambing.

At payapa.

“Bantayan mo sila, Maya.”

Tumulo ang luha ko.

Hindi ko binuksan ang bintana.

Hindi ko kailangan.

Dahil sa unang pagkakataon, alam kong ang nasa labas ay hindi na dumating para manakit.

Dumating siya para magpaalam, at para ipaalam na tapos na ang kanyang pagbabantay.

Kinabukasan, nawala ang papel sa likod ng pinto.

Walang pumunit.

Walang nagtanggal.

Basta wala na.

At sa kahoy kung saan iyon dating nakadikit, may naiwan na bagong guhit.

Tatlong salita.

Parang isinulat ng kamay na matagal ko nang nami-miss.

Ligtas na kayo.

WAKAS

Previous